MESSAGES
Isang mapagpalang araw po sa inyong lahat!
Sa ngalan po ng DTI- Bulacan, maligayang pagbubukas pong muli ng Bulacan Business Conference at BUFFEX (Bulacan Food Fair and Exposition) na ngayon po ay isinagawa bilang BUFFEX ONLINE- The Bulacan Market Portal. Ito po ay makabagong pamamaraan ng paggamit ng teknolohiya sa pagpapalawak ng merkado ng mga MSMEs sa probinsiya sa gitna ng nararanasang krisis. Ang DTI Bulacan at BCCI po ay magkatuwang sa patuloy na pagpapaangat ng kabuhayan ng mga negosyante sa Bulacan sa pamamagitan ng paglulunsad ng mga programa na nagbibigay halaga at pagkilala sa mga pinagmamalaking produkto ng probinsiya.
Batid po natin ang kasalukuyang pangangailangan ng mga MSMEs na labis na naapektuhan ng pandemya, gayun din ang mga kababayan nating nawalan ng trabaho, kaya naman ang BCCI at ang DTI ay lubos na nagagalak dahil sa inyong pakikiisa sa muling paglulunsad ng mga proyekyong ito. Binabati ko po ang mga kalahok at ako ay natutuwang malaman na marami pa rin ang may interes sa ganitong aktibidad. Ngayon po talaga natin higit na kailangan ang pagtutulungan upang muling makabangon at malampasan ang krisis na ating nararanasan.
Umaasa kami, na sa pamamagitan ng mga aktibidad na ito ay matutulungan nating muling makabangon ang mga maliliit na namumuhunan sa ating probinsiya. Gayun din sana ito’y makapagbigay ng inspirasyon at makatulong sa mga kababayan nating nawalan ng kabuhayan dahil sa pandemya. At nawa’y patuloy pa tayong magkaroon ng maraming pang mga programa at proyekto upang mas marami pang negosyante ang matulungan na maiangat ang kabuhayan.
Nais ko ang isang matagumpay at mabungang pagbubukas ng Bulacan Business Conference at BUFFEX ONLINE. Maraming salamat po!
ERNANI M. DIONISIO
Director- in-Charge