MESSAGES

Sa ngalan po ng pamunuan at bumubuo ng tanggapan ng DTI, ikinararangal at ikinagagalak ko pong batiin ang mga nagsipagtatag ng Bulacan Business Conference at Bulacan Food Fair and Exposition (BUFFEX) 2020 sa kanilang sipag at pagsusumikap na patuloy na maisagawa itong napakahalagang taunang mga aktibidad sa lalawigan ng Bulacan upang mapayabong ang kabuhayan ng ating mga kababayan.

Batid po natin na sa mga panahong ito, ang ating mga kasamahang mga micro, small and medium entrepreneurs (MSMEs) ay kailangan nang buong tulong ng buong bayan, di lamang ang pamahalaan ngunit pati na ang iba’t ibang sektor upang makaungos sa nataong pagsubok ngayon dulot ng pandemya. Sa nakalipas na mga panahon, at sa darating pa ay patuloy ang pagtulong ng DTI sa mga MSMEs sa pamamagitan ng iba’t ibang programa kagaya ng Shared Service Facilities, SME Roving Academy, OTOP Next Gen at iba pang programa. Patuloy din ang pagbibigay ng serbisyo ng ating mga Negosyo Centers sa buong Bulacan upang lalo pang matutukan ang mga malilit na negosyante. Ngayong nagkaroon po ng pandemiya, nakapagbigay din po ng tulong sa mga naapektuhang mga komunidad ang DTI sa ilallim ng Livelihood Seeding Program-Negosyo Serbisyo sa Barangay (LSP-NSB). Sa ilalim po ng programang ito, nabigyang muli ng Livelihood starter kits o packages ang mga benepisyaryo para makapanimula uli ng maliit na negosyo.

Isa po ako sa naniniwala na sa kabila nga mga hamon sa ating mga maliliit na negosyante, mapapagtagumpayan po natin ito basta’t magkakasama nating haharapin at pagtutulung-tulungan na suportahan ang bawat isa. At isa nga po sa natutuon nating suportahan ang mga ganitong aktibidad gaya ng BUFFEX Online, na naglalayong palaguin ang mga mapapagbilhan ng mga kalidad at masarap na produkto ng lalawigan sa tinatawag na Internet Plaform. Ang pagdala sa ganitong plataporma ng pakikipagkalakalan ang siyang nararapat na sa mga panahong ito, di lamang dahil mabilis ang transaksyon, kundi nakakatulong din ito upang maiwasan ang paglaganap ng mga nakakahawang sakit gaya ng Covid-19.

Kami po sa DTI Region 3 ay laging handang tumulong, umagapay at makipag-ugnayan sa pribadong sektor, pangunahin na po ang Bulacan Chamber of Commerce and Industries, sa masipag na pamumuno ni Cristina C. Tuzon. Sa maraming panahon, kaagapay na ng DTI ang BCCI sa pagtulong sa pagpapalago ng negosyo sa Bulacan.

Muli, isang maalab na pagbati po sa pagtatatag ng Bulacan Business Conference at BUFFEX Online! Sana ay patuloy pa rin ang masaganang paglago ng kabuhayan at lalo pang maayos na kalusugan ng ating mga kababayan sa mahal nating lalawigan.

Mabuhay po kayo!

MS. JUDITH P. ANGELES
Regional Director - DTI